|
(Bulgar newspaper, january 23 issue)
SIRA ang kukote ng mga may kontrol sa gobyerno. Isipin mong kinokontra ng mga kolokoy ang pagtaas ng suweldo ng mga obrero. Sa aktuwal, ang suweldo ng mga manggagawa ay sumisimbolo sa kanilang “pagkatao” o antas ng kamalayan. Isa itong “korona” o “tropeo” ng mga anak-pawis! Kapag malaki ang suweldo, di ba't status symbol ito at nagdagdag ng personalidad sa isang empleado? Pero kapag maliit ang suweldo ng ordinaryong nilalang, nangangahulugan ito na maliit din ang pagtingin ng gobyerno o mismong employer sa “pagkatao” ng kanilang ng tauhan. Sa simpleng pagbasa, nakaka-demoralized sa labor force ang katiting na suweldo. Sa management cycle, isang aspekto lamang ng factors of production ang labor force—kasama dito ang kapital, land (resources) at management. Pantay-pantay o patas-patas dapat ang level ng mga naturang antas upang maging normal ang produksiyon. Pero, kapag sobrang liit ng suweldo, hindi nagiging balanse ang produksiyon. At kapag palpak ang produksiyon, walang kalidad ang trabaho—walang kalidad ang produkto, walang kalidad ang serbisyo. Kapag substandard ang produkto at palpak ang serbisyo—walang duda na hindi uunlad ang negosyo at BABAGSAK din ang mismong kompanya at sa kabuuan, ang EKONOMIYA NG BANSA. Taliwas ito sa katwiran ng mga kumokontra sa PAGTAAS ng suweldo na ipinagpipilitan na MAGSASARADO ang maraming kompanya. Mali naman kasi ang “termino” ng “TAAS NA SUWELDO”--ang mas angkop dito ay “SAPAT NA SUWELDO SA OBRERO”. Kung papalitan ang “terminong taas” ng “katagang SAPAT”--madaling maunawaan na ang P125 na dagdag suweldo—ay sa totoo lang, HINDI PA SAPAT--- pero pagtitiyagaan na ng mga obrero. Ibig sabihin, papunta pa lamang upang maging SAPAT ang P125 increase sa pangangailangan ng mga manggagawa. Nais kasing PALITAWIN ng gobyerno mismo na SOBRA ang P125 increase—gayong kapos pa nga ito sa pagiging SAPAT. Anong klase ng produkto o serbisyo ang mabubuo kapag laging ABSENT o MAY SAKIT ang mga obrero? Hindi ba't babagsak din ang kompanya? Isipin ninyong mabuti yan—patas ang ganyang pananaw, at walang kinikilingan—labor o management man! ------30--- |
| Leave a Comment: |