|
NAKAKALUNGKOT isipin na ginagamit na political issue ang “P125 a day legislative salary increase” imbes na seryosohin ng mga awtoridad ang pagdamay sa milyon-milyong obrero. Pinagtibay ng mga kongresista ang naturang panukalang batas at ngayon ay inilipat na nila ang desisyon sa Senado. Sa ngayon, nasa gitna ng “apoy” ang mga senador. Kapag pinagtibay nila ang mataas na suweldo ng mga obrero, magagalit sa kanila ang mga multi-milyonaryong negosyante—at mapagkakaitan sila ng multi-million-peso campaign contributions. Kuwarta o boto? Kailangang manghiram ng utak ang mga senador kay Haring Solomon. Pero, kahit naman pagtibayin nila ang salary increase—hindi pa naman ito magiging batas hangga't hindi nilalagdaan ni Ate Glo. Kung gayon, kapag inaprubahan ng Senado ang P125 salary increase nang walang bawas—maililipat ang responsibilidad kay Ate Glo. Kapag hindi niya nilagdaan at ibinasura—bahala siyang MAPAGHIGANTIHAN NG MGA BOTANTE. Kapag ibinasura naman nang maaga ng mga senador ang panukalang batas—mistulang SINAGIP nila ang Malacanang sa kompromiso. Sa ganyan sitwasyon, nasasapawan o naglalaho ang MERITO NG BATAS—kundi nakapokus ang isyu sa mismong mga “lawmakers” kaysa sa mga “beneficiaries”. Kaaawa-awa talaga ang mga anak-pawis-- ginagamit at pinaglalaruan lang ng mga may kapangyarihan. ----30--- |
| Leave a Comment: |